Binaril at napatay ng 'di pa nakikilalang salarin ang pulis na suspek sa pamamaslang sa isang matandang lalaki na nakita ang bangkay sa gilid ng isang sementeryo sa Maynila.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing binaril sa harap ng kaniyang bahay sa Baseco Compound nitong Martes ng hapon si PO1 Jerald Paguinto.
Si Paguinto ang itinuturong bumaril at pumatay sa 68-anyos na si Julito Ramos noong Marso 6.
Nakita ang bangkay ni Ramos sa gilid ng Manila North Cemetery na may tama ng bala at nakaposas pa ang mga kamay.
Bago natagpuan ang bangkay ni Ramos, sinabing may nakakita sa biktima na nakaalitan si Paguinto at dinala nito ang matanda matapos bugbugin.
Ayon sa pulisya, paghihiganti at koneksyon sa iligal na droga ang dalawa ang inisyal na anggulong tinitingnan ng mga imbestigador sa pagkamatay ni Paguinto.
Batay umano sa spot report ng Manila Police District Station 5, nakasaad na sangkot umano sa droga ang pinaslang na pulis bilang isang coddler o protektor base sa impormasyon ng mga kapitbahay.
Ang bahay umano nito sa Baseco compound ay pagmamay-ari ng isang alyas "Kagawad," na kilala umanong drug lord daw sa lugar.
Sinasabing si Paguinto umano ang nagsisilbing "hitman" ni alyas Kagawad, o ang pumapatay sa mga taong hindi nagbibigay ng pera sa napagbentahan ng droga.
Sinubukan ng GMA News na makuha ang panig ng pamilya ni Paguinto pero tumanggi umano silang magbigay ng pahayag.
Lumabas din sa imbestigasyon ng pulisya na ilang minuto bago patayin si Paguinto, napansin ng mga kapitbahay nito na may kausap ito sa telepono na tila nakakaaway niya.
Isasailalim ng pulisya sa forensic examination ang cellphone ni Paguinto para malaman kung sino ang huli niyang kausap bago siya mapatay.
