MANILA - Isang babaeng pasahero ang nahulog at muntik pang magulungan habang pababa ng bus sa kanto ng EDSA at Kalayaan Avenue sa may Buendia, Lunes ng umaga.
Sa bidyo na nakuha ng isang driver, kitang-kita na biglang umandar ang bus habang pababa ang pasahero.
Ayon kay Alexander Allen Lim, saksi sa insidente, pababa na ang dalawang babae mula sa umaandar na Jasper Jean bus bandang alas-otso ng umaga.
Nakababa ang isang babae, habang ang isa pa ay nahulog at muntikan pang magulungan ng bus.
Bagama't nakita ng konduktor ang pangyayari, hindi niya tinulungan ang babae. Ilang segundo lang din tumigil ang bus bago tuluyang umalis.
Nakunan ng dashcam ni Lim ang insidente.
"Actually, palabas po ako ng EDSA sa Kalayaan. So, nakita ko po 'yung bus na parating doon sa may kanto. Eh, bumaba na 'yung babae. Actually, 'yung unang babae akala ko malalaglag na e. Tapos, biglang may sumunod na pangalawang babae."
"Noong nakita ko na pababa siya, bigla akong nagulat kasi talagang dire-diretsyo siyang nalaglag. Akala ko pa nga magugulungan siya noong bus. So, talagang tumalon 'yung puso ko."
"Eh ngayon, after noong pagkalaglag niya, nakita siya noong konduktor. 'Yung hindi ko lang nagustuhan doon is, 'yung nakita noong konduktor na nalaglag wala man lang pagmamalasakit na tulungan 'yung pasahero na tumayo. So, parang kinawayan lang."
"Noong nakitang nakatayo na, sige, okey, ba-bye. Ganoon lang."
Hindi na nilapitan ni Lim ang dalawang babae dahil hinabol niya ang bus para makuha ang plaka nito na TYS 638.
"Hindi ko na po sila nalapitan kasi lumabas na ako ng EDSA. So, 'yung ano ko na lang, hinabol ko na lang 'yung bus para makunan ko. Dahil 'yun nga, sabi ko nga doon sa post ko, sana makaabot doon sa pasahero para at least kung magreklamo sila, may mapapakita silang ebidensya."
Ayon sa ilang komento sa Top Gear Facebook Page kung saan ini-upload ang bidyo ni Lim, ipinagbabawal ang pagbaba ng mga pasahero sa nasabing bahagi ng EDSA kaya hindi huminto ang bus.
Nangangamba naman si Lim na baka maulit ang insidente sa ibang mga pasahero.
"'Yung style kasi nila na, alam niyo po, habang bumababa 'yung pasahero tapos tumatakbo 'yung sasakyan nila. Ang naisip ko lang din po, paano po kung kunwari mga senior citizens po ang mga ito? Or, kunwari buntis? 'Di ba? Biglang nalaglag, nakunan. Alam niyo po. 'Yung parang ganoon na ugali na pinakita ng konduktor. Parang nakita lang nakatayo, oh hinayaan na lang, goodbye."
Matapos kunan ng video, naghanap si Lim ng pulis para i-report ang insidente. Pinasa niya gamit ng bluetooth ang video sa pulis na nakita niya sa may Robinsons sa Pioneer.
Pero dahil wala siyang tiwala na hahabulin ng pulis ang bus, nag desisyon siya na i-upload na lang ang video.
Ipinatawag na ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board ang bus driver at konduktor ng Jasper Jean Liner Bus na biyaheng DasmariƱas, Cavite.
Handa namang tumayong witness ni Lim sa nangyaring insidente, at nais niyang pumunta ng LTFRB kung kinakailangan.
Nananawagan naman ang LTFRB sa babaeng nahulog mula sa bus na dumulog sa hearing sa Miyerkules, alas-nuebe ng umaga sa kanilang opisina sa East Avenue, Quezon City.
Magkakasamang magpapaliwanag sa hearing ang operator ng bus company, driver na kinilala sa pangalang Nicholas Saludsod at konduktor na si Gilberto Venturero.
Source: [ ABS-CBN ]
Post a Comment
Post a Comment