MANILA-Mahigit sa 100 manggagawa ng eco fuel plant na biktima umano ng human trafficking ang nailigtas sa probinsya ng Isabela.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Maynila ang 112 biktima kabilang na ang 3 menor de edad at 2 babae.
Pawang taga Saranggani, General Santos City at Negros Occidental ang mga biktima.
Isa sa mga biktima si “Jun,” hindi niya tunay na panagalan, na nagtamo ng mga sugat sa kanyang kamay dahil umano sa araw-araw na pag-aani ng tubo sa plantasyon na pag-aari ng eco fuel plant sa San Mariano, Isabela.
Aniya, ni-recruit sila ng isang John Mariano at pinangakuhan na susweldo ng P3,000 kada linggo ngunit taliwas sa pangako, P190 lamang ang nakukuhang sweldo ni Jun.
Ayon naman sa isa pang biktimang si “Pedro,” hindi rin nito tunay na pangalan, alas-3 pa lang ng madaling araw ay pumupunta na sila sa tubuhan at umuuwi ng alas-4 ng hapon.
“Hindi na kami lumalabas alas-8 ng gabi. Sabi ng guard hindi daw kami puwedeng lumabas kasi may curfew,” ani Pedro.
Halos hindi na rin daw sila makabili ng pagkain dahil sa liit ng kanilang kinikita.
Kwento naman ng isa pang biktima na itatago sa pangalang “Tomas,” hindi rin daw natupad ang pangakong libreng check-up kada linggo at libreng bota at kapote.
Paliwanag pa ni Tomas, naghahati ang 10 tao na punuin ang isang truck load ng tubo na nagkakahalagang P2,240 sa loob ng 2 araw.
Ayon kay Rudy Manaloto ng Inter-Agency Council Against Trafficking sa region 2, forced labor ang nangyari sa mga manggagawa at isa ring uri ng debt bondage base sa mga kwentong nakukuha nila sa mga biktima.
“May nagkuwento nga po minsan daw may nagtangkang lumabas binaril. Another thing yun pong debt bondage na porma po ng trafficking. May pagkakautang po na through services ang bayad kung pagbabasehan ang sinasabi ng ating mga ni-rescue, iyon pong pinapagawa sa kanila ay sobra-sobra,” ani Manaloto.
Dagdag pa nito inihahanda na ng Department of Justice ang kasong human trafficking laban sa planta at kanilang recruiters.
“May pananagutan po sila, kasi sila po mismo ang employer. May recruiter man doon sa probinsiya meron pang recruiter from the ethanol office,” aniya.
Sa ngayon, umaasa ang mga mangagagawa na makabalik na sa kani-kanilang probinsiya sa Miyerkules.
Post a Comment
Post a Comment