0
ADS

Pinoy nurse na sinaktan at dinuduraan umano sa mukha ng kaniyang amo sa KSA, tumakas

Labis na pagpapahirap at pananakit umano ang naranasan ng isang Pinoy nurse sa kaniyang amo sa Saudi Arabia kaya napilitan na itong tumakas. Nangako naman ang pamahalaan na tutulungan siyang makauwi kaagad sa Pilipinas.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, ipinakita ang video footage kung saan ipinapakita ng Pinoy nurse na si Ronald Magcawas ang mga peklat at ilang pang sugat na tinamo niya sa kaniyang amo sa Riyadh, Saudi Arabia.


WATCH VIDEO HERE:

Nagtrabahong nurse si Magcawas sa isang pribadong bahay sa Riyadh pero hindi raw niya inaasahan ang malupit na pagtrato sa kanya ng amo.

"Bukod po sa kalmot, hampas, batok, dinuduraan po niya ako sa mukha. Minsan po hinahampas ako ng kahoy sa ulo," kuwento ng overseas Filipino worker.

Napilitan din daw na magpakalbo si Magcawas dahil sa pananabunot na ginagawa sa kaniya ng amo.

Enero umano nang makapasok siya sa trabaho at ilang buwan niyang tiniis ang pagmamaltrato at masasakit na salita ng amo.

Sinabi rin nito na ilang beses niyang ipinaalam sa kanyang recruitment agency ang nangyari pero hindi raw siya tinulungan.

Nang makakuha ng pagkakataon, tumakas siya at nagtungo sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh nitong Lunes para isumbong ang kaniyang sinapit.

Sa POLO ay kinunan si Magcawas ng salaysay at ipina-medical.

Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Dominador Say, mananagot ang recruitment agency ni Magcawas kapag napatunayan nagkaroon ito ng pagkukulang.

Tiniyak din ng DOLE na mapapauwi nila si Magcawas sa lalong madaling panahon.

Wala pang pahayag ang recruitment agency sa nangyari kay Magcawas.





SOURCE: GMA
ADS
MGID

Post a Comment

 
Top