ADS
Dalawang patay na sanggol ang magkahiwalay na nakita sa Mandaluyong City at Camarines Sur. Ang isang sanggol,na nakita ng pedicab driver na nakabaon ang kalahati ng katawan sa lupa sa center island.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nakita ng pedicab driver na si Fedirico Gonzales, ang patay na sanggol sa center island sa San Joaquin St., barangay Plainview, Mandaluyong City, dakong 1:00 a.m.
Pero bago niya nakita ang bangkay ng sanggol na nakakabit pa ang umbilical cord, sinabi ni Gonzales na isang babae ang nadaanan niya sa center island na tila may ginagawa.

Nang maihatid ang pasahero, binalikan niya ang lugar kung saan niya nakita ang babae at doon niya nadiskubre ang bangkay ng sanggol na nakabaon na sa lupa ang kalahati ng katawan.

Gayunman, hindi na niya nakita ang babae.

Kaagad niyang ipinaalam sa tanod ang nadiskubre at inireport din sa mga awtoridad.

Inaalam ngayon ng pulisya ang pagkakakilanlan ng babae na pinaniniwalaang naglibing sa sanggol sa center island.

Samantala, isang patay na sanggol din ang natagpuan ng nangangalakal ng basura sa dalampasigan sa Cabusao, Camarines Sur.

Tinataya ng mga awtoridad na nasa pito hanggang siyam na buwang ipinagbuntis ang patay na sanggol, nanakakabit pa ang umbilical cord nang madiskubre.

Wala umanong nakitang sugat sa katawan nito kaya posible raw nalunod ang sanggol.

Nagpasya na ang mga awtoridad na ipalibing ang sanggol nang walang dumating na kaanak para kunin ito.

Patuloy ang imbestigasyon para mahuli ang nag-abandona sa sanggol at kung sino ang responsable sa pagkamatay nito.










SOURCE: GMA
ADS
MGID
 
Top