ADS
Kahit nasa gitna ng kalsada at maraming sasakyan na dumadaan, hindi pa rin nakaligtas sa kamatayan ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng salarin na hindi nakilala ng mga saksi dahil nakasuot ng helmet.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang kuha sa closed-circuit-television camera sa nangyaring krimen sa Sta. Cruz, Maynila dakong 8:00 p.m. nitong Lunes.
Sa footage, makikita ang isang lalaki na tila may tama na sa tagiliran habang gumagapang sa gitna ng kalsa.

Inabot pa ng biktima ang kaniyang kamay sa isang dumaang sasakyan na tila humihingi ng saklolo.

Nang abutan siya ng salarin, kinuwelyuhan at tinutukan siya ng baril bago muling nakatakbo.

Hindi nahagip ng camera ang pagbaril sa biktima na nakilalang si Jefferson Li, 35-anyos, isang tricycle driver.

Binawian ng buhay ang biktima habang dinadala umano sa ospital.

Ayon sa isang saksi, nagmakaawa ang biktima sa salarin pero patuloy pa rin siyang pinagbabaril.

Nasugatan din umano ang kapatid ng biktima na si Gerard, na nakita rin sa video na sinubukang lapitan ang ang kapatid.

Nagpapagaling naman sa ospital ang tindero na Magdilino Futol, 40-anyos, na tinamaan ng ligaw na tama.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo at kung sino ang nasa likod ng pamamaril.







SOURCE: GMA
ADS
MGID
 
Top