0
ADS
Mga guro, naloko umano ng taong nag-asikaso ng 'booking' nila sa Baler

Nauwi sa inis ang pananabik ng ilang guro mula sa Bangkal Elementary School sa Makati na makarating sa Baler nang hindi dumating ang mga van na maghahatid sana sa kanila sa nasabing sikat na surfing destination kung saan dapat sila magbabakasyon at magti-team building.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, inihayag ng ilang guro ang ginawa nilang paghahanda para sa pagdating ng pinananabikan nilang araw na makapagtatampisaw sila sa tubig-dagat ng Baler.



Pero sa halip na makapagsaya ngayong bakasyon matapos ang isang taong subsob sa trabaho, nadagdagan pa ito ng sama nang loob nang hindi na nila makausap ang taong pinagkatiwalaan nila ng P115,000.00 para mag-asikaso ng kanilang mga sasakyan at tutuluyan sa Baler.

Ayon sa mga guro, 10:00 p.m. nitong Biyernes ang dapat na biyahe nila papuntang Baler pero inabot na sila ng 1:00 a.m ng Sabado ay walang van na dumating para sila sunduin.

Maging ang kausap umano nila sa pagpapa-book na si aAllan Oyao ay hindi na nila makontak.

Nagtiwala umano sila kay Oyao dahil ito ang naging driver nila sa team building nung nakaraang taon sa Sagada.

Nag-alok daw ito na siya na ang makikipag-ugnayan sa kaniyang agent para sa mga guro.

Pero huli na nang malaman ng mga guro na hindi na pala konektado ang suspek sa sinasabi nitong travel agency at wala silang booking sa resort.

Idinulog na ng mga biktima sa pulisya ang insidente na posibleng maharap sa kasong estafa.

At dahil bakasyon ngayon, muling nagpaalala ang mga awtoridad na mag-ingat at huwag basta magtitiwala sa mga nakakausap na travel agent at nag-aalok ng mga tour package.

ADS
MGID

Post a Comment

 
Top